MGA TULA

 

Manikang De Susi

 

Paulit-ulit

Nilang pinipihit

Na parang ako’y pagmamay-ari nila

Hayok sa makamundong laro

Na hindi hapon ang simula

Gabi-gabi akong nahiyaw

Hindi bilang interpretasyon ng paghalinghing

Bagkus ay uri ng paghingi

Ng tulong sa dilim

Kada umaga

Bibisitahin ako ng hapdi

Sa parteng tuluyang nasira

Na mismong mekaniko

Ang nagpalala

 

Hindi na naitala

Kung ilang beses nagpasok ng bakal

At ang suka’t turnilyong idinuwal

 

Walang sumubok na magmanipula

Pula na naman ang buwan

Nangangahulugan ng madugong laban

Na matagal ko ng sinukuan

 

Sumayaw ka rito’t

Tumuwad ka d’yan

Tinawanan at dinuruan

 

Paulit-ulit

Nilang pinipihit,

Pulit-ulit pinipilit,

Inaanyayahan sa isang larong

Ako ang manikang de susi

 

 

 

 

 

 

Si Luna at ang Langit

 

Isang magarang

Tahanan ang sasalubong

Pagbaba sa sasakyan

Ang dinaanan

Na ng mga taong

Itinuring nang eksperto sa kanilang larangan,

 

Sa pagbukas ng pintuan,

Babalandra ang isang lalaking

Itinuturing na ama,

Parehong respetado

Sa usapang Arkitektura

At ng mga taong nakaharap na

 

Ang mga nanlilisik na mata

Ang mas nagpantidig pa

Sa kanyang postura,

Bukas ang unang butones ng polo

At tila ba walang sinturon ang lonta,

Nakaupo sa kayumangging taborete’t

Hawak ang puting tasa,

Ang kapeng lalong nagpa-nerbyos,

Sa kanya ay tsaa

Ang katahimika’y nilapatan

Ng kahindik-hindik na musika

Mula sa lumang plaka

Na ipinamana,

Kwento ng kasambahay,

 

Na parati kong napapakinggan

At hiniling na ‘di na mapakinggan pa,

 

Naroon siya,

Nasa sulok,

Pilit na kinikilala

Ang mundong hindi na siya inintindi

Na sa murang edad ay nagpamulat sa kaniya

Ukol sa konsepto ng impyerno

 

Ang garalgal niyang boses

Ay pabulong na tatawag ng “Kuya”

At kunwari’y ‘di ko siya narinig o nakikita

 

At sa kama

Ay katabi kong matutulog

Ang abalang konsensiya

Na patuloy na kinukundena

Na kung bakit

Ang kulay rosas na atmospera

Ng kanyang silid

Ay tuluyan ng nagdilim

 

At sa kabila pang kwarto,

Naroon siya,

Sa tabi ni ama,

 

Na ipinapakita ang impyerno.

 

 

Kinuha ng Kawalan

 

Katorse-anyos tayo noon,

Sa kalsada ng kamusmusan

Ay nagsimula tayong gumuhit

Ng mga bagay na nais nating makamit,

Bahay, sasakyan, maayos na trabaho

At higit na maayos na sweldo,

Pamilya, isang masayang pamilya,

Ikaw ang ina’t

Ako ang tatayong ama.

 

Disi-sais noong nagtapos tayo

Ng sekondarya,

‘di mo pa rin nababanggit

Kung sa’n ka magkokolehiyo

O kung ano ang kukunin mong kurso,

Dahil sa t’wing mabubuksan natin ‘yan

Ay agad mong binabaling ang usapan

Sa mababaw na mga bagay

Na nagpapasara sa ating mga kamay

 

Bente-anyos ako noon,

Higit anim na taon na kitang iniibig

Ngunit ‘di na ko nakarinig

Ng kahit anong balita

Ukol sa’yo

Kahit ang bilin ko’y

Laging kang susulat

Kapag nakarating na kong Maynila,

 

Ang bawat paghihirap

Ay inialay sa’yo,

Iniisip na isinalalay

Mo na sa ‘kin

Ang buhay na matiwasay

 

Ilang buwan at nakaapuhap

Ako ng magandang trabaho,

Magandang sweldo

Kaya pinipili kong hanapin ka,

 

Ang napaka-gandang babaeing kong sinisinta,

 

Nakatayo sa harap ng tindahan

Kung sa’n kami unang nagkita,

 

Ang pananabik ay napalitan ng panlulumo,

Nung sa gilid ay may may dal’wang bata

Ang nakakapit sa kanyang bistida,

 

Tulad ng pagbaling niya sa

Mga usapan ay ibinaling niya ang kanyang mata,

 

Mga mapupungay, mga pagod nang mga mata,

 

Sa pagdaan ng sasakyan

At ng ilang hakbang papalapit

Sa kaniya’y

Bigla siyang nawala,

 

Ang narinig ko na lamang

Ay kwento mula

Sa bantay sa tindahan,

 

Nung ako raw ay lumisan

Ay pinagsamantalahan

Ng ilang mga kakalikihang

Hindi na nakilala,

 

Ang pagbabalik sa

Aking siyudad

Ay parang pagpasok sa isang peliuka,

 

Babanggit ako ng mga linyang

“Ngayon ang taong kinumpleto

Ang aking pangarap

Ay pagmamay-ari na ng kawalan”

 

At ako’y pagmamay-ari

Na ng panghihinayang.

 

 

 

 

 

 

 

Share this post

Post Comment